Governor Pineda sinalungat si Archbishop Cruz

SAN FERNANDO CITY, Pampanga, Philippines - Walang-pasu­baling pinabulaanan ni Pampanga Governor Lilia “Nanay Baby” G. Pineda ang rebelas­yon ni dating Archbishop Oscar Cruz na sangkot siya sa anu­mang illegal gambling acti­vity (jueteng) sa nabanggit na lalawigan.

Inamin naman ni Pineda na may operasyon ang Small Town Lottery (STL)  sa Pampanga subalit sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“I would ask my provincial police director Senior Supt. Petronio Retirado about the allegation of former Archbishop Oscar Cruz in the Senate that there is jueteng in Pampanga,” dagdag pa ng gobernadora.

“Una, iginagalang ko po ang mga opinion at akusasyon ni dating Archbishop Oscar Cruz na kanyang binanggit sa Senado. Lahat ng tao ay malaya na magbigay ng kani-kaniyang pananaw ukol sa ibat-ibang isyu. Kung iniuugnay  po ako ni Archbishop Cruz sa jueteng, malaya po at may karapatan si Archbishop na pagbintangan niya ako ng kahit na ano at kahit na sino,” pahayag ni Pineda

Gayon pa man, sinabi rin ng gobernadora na may karapatan din itong ipagtanggol ang sarili at ipaliwanag ang nalalaman nito tungkol sa usapin upang mapangalagaan ang dangal ng lalawigan.

Sa katunayan, aniya, ang pamahalaang panlalawigan at mga munisipyo ay nakakatanggap ng buwis mula sa STL at nagbibigay hanap-buhay sa mga kababayan.

Nakipag-ugnayan na si Pineda sa mga negosyante para sa business plan na magpapadami sa mga manggagawang namamasukan sa mga pagawaan.

Maging sa edukasyon ay ina­­ayos na ang mga pampublikong paaralan para makapag-aral ng libre ang mga mag-aaral, kasabay ang pagdagdag sa mga silid-aralan, kagamitan at mga guro.

”Hinihiling ko po sa ating mga kababayan na sa halip na magbigay ng mga puna at batikos ay samahan kami, tulungan at magkaisa po tayo tungo sa pag-angat ng

ating kabuhayan,” wika pa ni Pineda. Randy Datu at Alex Galang

Show comments