CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 44-anyos na doktor na sinasabing bading kung saan sinunog ang bangkay nito ng kanyang lover sa bisinidad ng Barangay La Purisima sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur noong Martes ng madaling-araw.
Natagpuan ng pulisya ang sunog na katawan ni Dr. Romulo Jose Bernardino ng Bicol Medical Center, tubong Novaliches, Quezon City at pansamantalang nakatira sa Don Mariano Village, Molave St. Magsaysay, Naga City.
Samatala, sa follow-up operation ng pulisya, naaresto naman ang isa sa dalawang suspek na si Tristan Jay Bado, 18, ng Zone 5, San Felipe habang tugis naman ang sinasabing lover na si Daniel Medinilla, 18 , ng Zone 1 Barangay Calauag, Naga City.
Si Dr. Bernardino ay napaulat na nawawala noong Sept.14 ng madaling-araw sa kanyang tinutuluyan na apartment kung saan huling namataang kasama si Medinilla.
Narekober naman ang sasakyang Honda City ng biktima na nakaparada sa D’ Tent Bar Grill sa Penaranda St. sa Naga City.
Kasunod nito, sumuko naman kay SPO1 William Quiniano ang suspek na si Bado noong Biyernes ng madaling-araw dahil hindi mapagkatulog sa ginawang krimen at isinalaysay ang buong pangyayari.
Lumilitaw na si Medinilla na sinasabing lover ng biktima ang responsable sa krimen kung saan pinagbantaang papatayin din si Bado kapag hindi nakiisa para sunugin ang bangkay ng doctor.
Nabatid na pinagtulungang ng dalawang suspek na dalhin ang bangkay ng biktima mula sa tinutuluyang apartment bago sunugin at abandonahin sa liblib na palayan sa nabanggit na barangay kung saan nadiskubre naman ng ilang residente.