400 kadete ng PMA nadale ng diarrhea

FORT DEL PILAR, Baguio City, Philippines  — Muntik ng ‘di-makapagparada ang 400 kadete ng Phil. Military Academy mata­pos madale ng diarrhea dahil sa kinaing maja blanca at kinilaw na tanigue kaug­nay sa testimonial parade sa pagreretiro ni PNP Chief Director General Jesus Ver­zosa kahapon.

Sa panayam, kinumpirma ni PMA Superintendent Rear Admiral Leonardo Calderon matapos makapananghalian noong Biyernes ay magkakasunod na sumakit ang tiyan at isa-isang nanghina ang mga kadete na nakatakdang magpa­rada sa okasyon sa akademya kahapon.

“Naagapan naman sila dahil pinainom kaagad ng hydrite, loperamide saka Ga­to­rade energy drink,” ani Calderon na si­na­bing hindi na dumating sa punto pang isinugod sa ospital ang mga kadete.

“Grabe ho Ma’am, sumakit talaga ang tiyan namin, ‘di nga naming alam kung alin dun sa dinakdakan at maja blanca ang sanhi ng diarrhea namin, buti na lang ho okey na kami ngayon,” pahayag ng isang kadete na kabilang sa mga nagbigay pugay sa testimonial parade kay Verzosa na itinanghal na most outstanding alumnus ng PMA kahapon.

Sa kasalukuyan, ayon kay Calderon matapos na makarekober ang mga estudyante ay balik na sa normal ang aktibidades.  

Show comments