QUEZON, Philippines — Hindi pa man nakakabangon ang bansa sa dilema na idinulot ng sunud-sunod na road mishap na kinasasangkutan ng mga bus, isa na namang trahedya ang naganap kung saan apat-katao ang nasawi habang 19-iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa bangin sa New Diversion Road, Sitio Amao, Barangay Silangang Malicboy sa bayan ng Pagbilao, Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang ginagamot naman sa Jane County Hospital at MMG Hospital sa Lucena City ang iba pang nasugatan.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Erickson Hachaso, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang mahulog sa may 30 metrong lalim na bangin ang CUL bus line (TWV 912) ni Oscar Yadawon, 36.
Ayon sa ulat, aabot sa 39 pasahero kabilang ang drayber at operator ng bus nang maganap ang sakuna.
Napag-alamang patungong Cubao, Quezon City mula Tacloban City nang mawalan ng preno ang bus sa zigzag road at magtuluy-tuloy sa bangin.
Patuloy naman ang rescue operation ng pinagsanib na operatiba ng pulisya, Provincial Disaster Coordination Council (PDCC), DPWH-4th Engineering District para makilala ang mga biktima.