BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tatlong buwaya ang nahuli ng mga residente matapos makita sa kahabaan ng ilog sa bayan ng Benito Soliven, Isabela kamakailan.
Ayon sa ulat, ang tatlong buwaya na nasa katamtamang laki ay nakuha sa ilog ng Barangay Gilingan, Benito Soliven noong Miyerkules matapos makita ng ilang mga residente rito.
Agad naman na pinagbawalan ng mga opisyal ng barangay ang lahat na residente rito na huwag magtungo sa nasabing ilog sa pangambang may mas malalaking buwaya na maaring nagtatago sa ilog.
Noong isang taon ay mahigit sa 50 maliliit na buwaya ang pinakawalan ng Mabuwaya Foundation sa ilog ng San Mariano-Divilacan, Isabela.
Agad naman na ibinigay sa nasabing foundation ang nahuling tatlong buwaya na pinaniniwalaang kabilang sa mga Philippine crocodile na pinakawalan noong isang taon.