MANILA, Philippines - Isang 5-anyos na babae ang pinatay sa bugbog ng dalawa nitong kapatid na menor-de-edad matapos paluin ng kahoy at ihulog sa hagdan ang una kamakailan sa Calatrava, Negros Occidental.
Kinumpirma ni Inspector Ramil Saro, Caltrava police chief, na ang biktimang itinago sa pangalang Dolly ay binugbog at napatay ng mismong mga kapatid nitong kapwa menor-de- edad.
Sinabi ni Insp. Saro, kamakalawa lamang inireport sa pulisya ang insidente ng kapitbahay dahil sa takot ng mga magulang na makulong din ang 2 nitong anak na sina Jimboy, 12-anyos at Allan, 10-anyos na siyang bumugbog at nakapatay sa biktima.
Ayon kay Saro, nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan ang biktima matapos itong paluin ng kahoy saka hinulog sa hagdan ng 2 nitong kapatid na menor-de-edad.
Wala sa kanilang tahanan sa Sityo Minabuno, Barangay Bantayon ang ina ng bata na si Arlene Lumanat dahil naglala bada ito sa Poblacion nang mangyari ang insidente kamakailan.
Nakita na lamang ng ina na naghihingalo na ang biktima sa matinding palo at hindi na ito nadala sa pagamutan at sa takot na makulong ang 2 nitong anak ay hindi na ito nagreport sa pulisya.
Napag-alaman ng pulisya na nakikita ng mga bata kung paano mag-away ang kanilang mga magulang kaya ginaya ito ng mga anak hanggang sa mapatay ang biktima ng mismong mga kapatid nito.
Dinala ang mga suspect na kapwa menor-de-edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa counseling matapos mapatay nito ang kanilang kapatid dahil lamang sa hindi pagsunod sa kanilang utos. (with trainess Mary Ann Chua/Mary Joy Mondero)