MANILA, Philippines - Tatlong preso ang iniulat na nasawi, habang 17 iba pa ang sugatan kabilang ang dalawang nasa kritikal na kalagayan makaraang silaban ng kapwa presong naburyong sa loob ng Ifugao District Jail sa bayan ng Kiangan.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Dave Lim-mong, hepe ng Investigation ng Ifugao Provincial Police Office, namatay noong Miyerkules ng gabi sa Ifugao General Hospital sina Willy Sairez at Mamao Malingay habang si Efren Lindawan ay nasawi naman kamakalawa ng madaling-araw
Samantala, nasa kritikal na kondisyon si Joel Amado.
Nahaharap naman sa panibagong kasong kriminal ang convicted rapist na si Floriano Tayaban na sinasabing natukoy na responsable sa panununog.
Ayon naman kay P/Senior Supt. Lawrence Mombael, naganap ang panununog ni Tayaban sa mga kapwa preso sa Tiger Hill, Baguinge, Kiangan, noon pang Lunes ng gabi.
Napag-alamang binuhusan ng gas na kinolekta sa mga lampara na ginagamit ng mga preso ang kumot, damit, unan habang natutulog.
Matapos silaban ay nagtago pa sa palikuran si Tayaban kung saan nagkunwaring walang alam sa insidente.
Idineklara ni Dr. Jeremy Dunuan ang nasa ligtas na kalagayan na sina Nestor Moog, Anthony Dela Cruz, Mario Budihon, Lucas Caclini at si Robert Madayag. Wala namang nakatakas na iba pang preso sa nasabing insidente.
Lumilitaw sa imbestigasyon na na-depress si Tayaban matapos mabalitaang ililipat siya sa National Bilibid Pri sons sa Muntinlupa City matapos ma-convict sa kasong rape sa sala ni Judge Joseph Baguilat ng RTC Branch 14 sa bayan ng Lagawe.