MANILA, Philippines - Umaabot na sa apat na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na nasawi habang pitong iba pa ang nasugatan makaraang magsagupa ang magkalabang kumander sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Lt. Col. Benjamin Hao, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, sumiklab ang bakbakan noong Linggo ng hapon hanggang kamakalawa matapos na magsagupa sina MILF kumander Atsme ng 106th MBC at Commander Abunawas ng 104th MBC sa kagubatan ng Brgy. New Liong hanggang Brgy. Alonganen.
Nabatid na sinuspinde ng pamunuan ng MILF sina Atsme at Abunawas dahil sa tumitinding alitan sa agawan ng teritoryo.
Napilitang magsilikas ang mga residente sa takot na maipit sa sagupaan ng magkalabang grupo ng MILF.
Samantala, nagbabala rin ang militar na mapipilitan silang makialam kung hindi ihihinto ng magkalabang grupo ang tumitinding girian kung saan nadadamay ang libu-libong residente. Kaugnay nito, pinabulaanan naman ni Hao na nagkasa sila ng airstrike sa Maguindanao upang masawata ang paglalaban ng dalawang kumander.
Nilinaw ni Hao na hindi air strike kundi reconnaisance mission lamang ang isinagawa upang patigilin ang nag-aaway na paksiyon ng MILF.
Idinagdag pa ng opis yal na ang hakbang ay bahagi lamang ng preventive measure upang maiwasang magsilikas ang mga naaapektuhang pamilya.