PALAWAN, Philippines — Limang-katao kabilang na ang retiradong Navy official ang kumpirmadong napaslang matapos pagtulungang saksakin ng mga ‘di-pa kilalang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay San Miguel, Puerto Princesa City, Palawan noong Lunes ng hapon.
Kabilang sa mga napatay ay sina Retired Lt. Commander Ernesto Paiton, 59; asawang si Chief Petty Officer Carmelita Paiton, 55, anak na registered nurse na si Erlita Paiton, 21; at ang dalawang pamangkin na sina Sharon Cabatuan, 19; at Renato Cabatuan, 17.
Ayon kay P/Senior Supt. Cesar Miranda, Puerto Princesa City police chief, nakatanggap ng tawag sa telepono ang pulisya mula kay Sheryl Cabatuan para iulat ang nadiskubreng krimen bandang alas-6:30 ng gabi.
“Dumating si Sheryl at pinsang si Ernesto Paiton Jr. sa kanilang bahay kung saan natagpuang duguan ang mga biktima kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa police station,” pahayag ni P/Inspector Harold Tocino, Puerto Princesa police chief investigator.
May teorya ang mga imbestigador na naganap ang krimen sa pagitan ng alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi bago madiskubre nina Sheryl at Paiton, Jr.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives, natagpuan sina Carmelita, Sharon at Renato na nakagapos ang mga kamay at paa sa loob ng palikuran ng bahay.
“Mukhang malaki ang galit nung mga suspek sa pamilya ng biktima dahil sa daming saksak sa katawan,” dagdag pa ni P/Inspector Tocino.
Nagsasagawa na ng dragnet operation para maaresto ang mga suspek habang patuloy na ina alam ang motibo ng pamamaslang.