QUEZON, Philippines — Trahedya ang sumalubong sa masayang pamamasyal matapos malunod ang dalawang estudyanteng Vietnamese sa beach resort sa Barangay Guisguis, Sariaya, Quezon kamakalawa.
Idineklarang patay sa Greg Hospital sina Main Chinch Quoc Nguyen, 29; at si Diep Thi Ngoc Nguyen, 23, kapwa estudyante ng Southern Luzon State University sa bayan ng Lucban, Quezon.
Sa ulat ni SPO1 Edgardo Garcia na ipinarating kay P/Supt. Vilmor Manzano, hepe ng pulisya, lumilitaw na nagkukuhanan ng larawan sa may dalampasigan ang dalawa nang abutan ng high tide sa Dalampasigan Beach Resort bandang alas-5 ng hapon.
Napag-alamang tinangay ng malakas na alon ang dalawa hanggang sa tuluyang maglaho sa malalim na bahagi ng karagatan.
Tinangka ng lifeguard na si Henry Pedroza na sagipin ang dalawa pero nabigo ito.
Ilang oras pa ay lumutang ang katawan ng dalawa at bagaman nagawa pa ang mga itong isugod sa ospital ay hindi na naagapan pa ang buhay.