Maton sinaksak ng bagets

BACOOR, Cavite, Philippines — Isang maton ang sinaksak at na­patay ng isang teenager matapos nitong sitahin at ipahiya ang huli sa kasamang babae kamakalawa ng gabi sa ba­yang ito. Kinilala ni Bacoor police chief Supt. Redrico Ma­ranan ang biktima na si Allan Antonio, 24-anyos, binata at nakatira sa nasabing lugar. Nadakip naman ang suspek habang papatakas ito na nakilalang si Ricardo Alejandro, 16 at residente ng Brgy. Tramo, Talaba 7 ng bayang ito. Ayon sa ulat ni PO2 Romar Sinnung, bandang alas-11:00 kamakalawa ng gabi habang ang suspek ay naglalakad sa nabanggit na lugar kasama ang dalawang kaibigang babae ng madaanan umano nito ang biktima na naka-istambay. Inalam ng biktima kung saan nakatira ang suspek at ng sagutin niya ito ay bigla na lamang siyang pinag­papalo ng payong at binugbog. Dahil sa inabot na kahihiyan sa kasamang mga babae at sakit na naramdaman sa pag­kakabugbog ay nagdilim ang paningin ng suspek at inun­dayan ng isang saksak sa dibdib ang biktima. Mabilis na isinugod sa Saint Dominic Hospital ang biktima subalit dead-on-arrival na ito habang ang suspek ay mabilis na tumakbo pauwi sa kanilang bahay upang makatakas subalit nadakip ito ng rumespondeng pulis.

Show comments