BULACAN, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa puwesto at makulong ang isang guro at punong-guro makaraang ireklamo ng estudyante kaugnay sa pambubugbog sa loob ng klasrum sa Barangay Camias sa bayan ng San Miguel, Bulacan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang inireklamong sina Crispin Balino ng San Miguel North Central School at ang punong- guro na si Placido Carlos.
Batay sa reklamo ni Perlita Laureano, ina ng Grade six pupil, sinaktan ni Balino ang kanyang anak matapos malaman na kabilang ito sa apat na mag-aaral na nagharutan may ilang araw na ang nakalipas. Sinasabing sinuntok sa braso at sikmura ni Balino ang bata kung saan pinitsarahan saka isinalya at tinadyakan kaya nagreklamo naman ang ina sa punong-guro na si Placido Carlos.
Subalit imbes na patawan ng parusa si Balino ay pinagtakpan pa ni Carlos ang ginawa ng guro kung saan ininsulto ang ina ng bata.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa harap ng camera si Carlos kung saan galit na binalingan ang mga mamamahayag.
Kasunod nito, nakatakda naman ireklamo ng mga mamamahayag si Carlos sa pamunuan ng Department of Education dahil sa pagka-arogante nito.