MANILA, Philippines - Isa sa 100 suspek sa Maguindanao massacre ang nadakip habang nagpapagamot sa ospital sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao, ayon sa pulisya kahapon. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Edris Casan, ex-government militiaman na may patong sa ulo na P250,000 kung saan nagpapagamot sa ospital matapos masugatan sa naganap na encounter sa Barangay Labo-Labo sa bayan ng Datu Hoffer noong Biyernes. Ayon kay P/Senior Supt. Agrimero Cruz Jr., nauna nang sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at lokal na pulisya ang tahanan ni Casan subalit nabigo silang maaresto ito. Nabatid na si Casan ay gumamit ng iba’t ibang pangalan kung saan nagpa-admit ito sa ospital, pero natukoy din matapos makakuha ng impormasyon.