CAMARINES NORTE, Philippines — Isang 54-anyos na guro na sinasabing kaanib ng Bicol Riders Club ang kumpirmadong nasawi makaraang sumalpok ang kanyang motorsiklo sa kasalubong na van sa Maharlika Highway sa Brgy. Langga sa bayan ng Basud, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Insp. Antonio Perez ang namatay na si Zosimo Salon, guro sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur at nakatira sa Barangay Santa Cruz Ratay. Nabatid na nag-overtake sa unahang sasakyan ang biktima lulan ng scooter nang makasalubong ang van ni Edwin Rebusquillo ng Poblacion sa bayan ng Basud.
Naisugod pa sa Leon Hernandez Memorial Hospital sa bayan ng Daet ang biktima subalit hindi na tumagal ang buhay.