MANILA, Philippines - Napaslang ang sinasabing lider ng mga kidnaper ng Hapones makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Joint Task Force Comet at pulisya sa karagatan ng Sacol Island malapit sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang napatay na si Jun Akilan, isa sa mga lider ng notoryus na Pingli/Akilan kidnap-for-ransom group na bumihag kay Amer Katayama Mamaito, 63.
Si Mamaito na may clinic sa bayan ng Pangutaran, Sulu kung saan nagpapakilalang doktor at treasure hunter ay dinukot sa bahagi ng Barangay Bangkilay noong Biyernes (Hulyo 16).
Nakasagupa ng grupo ni Akilan ang pinagsanib na elemento ng Directorate for Integrated Police Operations, Naval Forces at PNP Special Action Force noong linggo ng umaga sa Sacol Island.
“Investigators are verifying reports that Mamaito was on a treasure-hunting expedition in the area when abducted,” pahayag ng opisyal.