MANILA, Philippines – Isang dating mayor ng Maguindanao ang nakaligtas matapos itong pagbabarilin ng hindi nakilalang mga armadong kalalakihan sa Brgy. Poblacion, President Roxas, Sultan Kudarat nitong Biyernes. Kinilala ang nakaligtas na target na si dating Datu Blah Sinsuat Mayor Datu Ibrahim Manot. Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Poblacion ng President Roxas, Sultan Kudarat bandang alas-11:45 ng tanghali. Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang minamaneho ni Manot ang kaniyang kulay itim na Toyota Grandia van patungong Buluan, Maguindanao ng maganap ang pananambang. Nabatid na patungong mosque sa bayan ng Buluan ang biktima nang harangin ang behikulo nito ng mga armadong lalaki saka pinaputukan ang kanilang target na si Manot. Sa nasabing insidente ay masuwerteng hindi nasugatan si Manot at ang mga sakay nito sa kaniyang behikulo. Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.