Killer ng fire chief sumuko

MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng suspek sa pama­maslang sa hepe ng provincial fire marshal ng Ilocos Sur matapos sumuko sa pulisya noong Miyerkules ng gabi. Si Fire Senior Inspector Rey Monico Acena ay sumuko sa pulisya matapos na mahimasmasan sa nagawang krimen. Si Acena ay sinasabing bumaril at nakapatay sa kaniyang superior na si Fire Superintendent Ruben Pascua noong Martes ng gabi sa mismong tanggapan nito sa Vigan City. Sinasabing nag-ugat ang krimen matapos kuwestyunin ni Pascua si Acena sa gas allocation sa Bantay Fire Station. Nasa kustodya ng pulisya sa Vigan City si Acena na nahaharap sa kasong murder.

Show comments