MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nagkasundo sa isyung gas allocation kaya pinagbabaril at napatay ang isang fire chief ng kanyang deputy sa Vigan City, Ilocos Sur noong Martes ng gabi.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Eduardo Dopale ang napatay na si Provincial Fire Marshal Ruben Pascua, 54.
Samantala, tugis naman ng pulisya at nahaharap sa kasong kriminal ang suspect na si Fire Inspector Rey Acena.
Naganap ang krimen sa loob ng tanggapan ni Pascua na nasa ikalawang palapag ng Provincial Fire Station sa Barangay 8, Cabasaan District sa Vi gan City.
Lumilitaw na katatapos lamang kumain ni Pascua sa kanyang opisina nang dumating si Acena kung saan isinara pa nito ang pinto at tanging sila lamang dalawa ang nasa loob.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, mainitang nagtatalo ang dalawa nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib ang biktima base sa mga nakuhang basyo ng bala sa crime scene.
Lumilitaw sa imbestigasyon na kinukuwestiyon ni Pascua si Acena hinggil sa masyadong malaking gastusin nito sa gas allocation sa Bantay Fire Station na pinamumunuan rin ng nasabing deputy.
Nagalit si Acena sa tinuran ni Pascua kaya naganap ang pamamaslang na ang bangkay ay narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives team na nakalugmok sa sahig.