MANILA, Philippines - Nagmistulang sangkap sa tinolang manok ang pitong buwang gulang na sanggol na babae matapos na mahulog sa kumukulong tulyasi ng putahe sa Surigao City, Surigao del Sur noong Martes ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Inspector Charlie Cabradilla, director ng Surigao City PNP ang biktima na si Princess Eviota na nagtamo ng matitinding paso sa mukha, kamay at sa dibdib.
Ayon kay Cabradilla, naganap ang insidente sa tahanan ng pamilya Eviota sa Purok 4, Barangay Capalayan Sur, Surigao City bandang alas-6 ng gabi.
Nabatid na maghahapunan ang pamilya Eviota kasama ang mga lola nito nang gumapang ang biktima sa papag ng kanilang tahanan.
Hindi naman namalayan na nahulog na ang sanggol sa kumukulong kawa ng tinolang manok na niluto ng kaniyang mga magulang.
Bunga ng insidente ay isinugod sa Caraga Regional Hospital ang biktima na nagtamo ng matinding paso sa buong katawan.