SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines — Dalawang obrero ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng limang kalalakihan matapos paluhurin sa harap mismo ng kanilang bahay sa Barangay Bagong Buhay 1 sa siyudad na ito kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang ginagamot sa ospital ang mga biktima na sina Dello Plana 56, ng Bgy. Bagong Buhay 1 at Benigno Sabalza 55, ng Barangay San Pedro na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.
Malawakang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspek na sina Henry Barros, Boy Ambaet, Reynaldo Barros, Amado Cabanes at Melvin Cavanes na agad na tumakas matapos ang pamamaslang.
Base sa imbestigasyon ni PO2 Abraham Tagarino dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen. Papasok na sa trabaho ang mga biktima nang biglang harangin ng limang suspek.
Dito ay pinaluhod ng mga suspek ang dalawa at pinaulanan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon lumilitaw na away sa pagkapangulo ng asosasyon ang sinasabing motibo ng pamamaslang.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng bala mula .45 kalibre ng baril at tatlong basyo naman mula sa 9mm ng baril.