MANILA, Philippines - Niratrat ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki ang isang hotel owner at Pangulo ng isang hotel sa naganap na pananambang sa Cebu City kamakalawa ng gabi.
Sampung tama ng bala sa ulo at dibdib ang tumapos sa buhay ng biktimang kinilalang si Manuel Ting, 72-anyos, presidente ng Cebu Parklane International Hotel. Batay sa ulat ng Cebu Provincial Police Office, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng F. Llamas St. sa Barangay Tisa, Cebu City.
Kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kanyang kulay abong Mercedez Benz na may plakang MGT 168 nang pagbabarilin ito ng isang lalaki na nakasuot ng kulay itim na sleeveless shirt na pinaniniwalaang armado ng Uzi submachine gun.
Bunga nito, sumalpok pa ang sasakyan ng biktima sa isang Toyota Avanza na may plate number YGX-842 nang tangkain nitong iwasan ang gunman. Tinutugis pa ang mga salarin.