MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang kinidnap ang isa sa mga anak ni Comelec Commissioner Elias Yusoph matapos na hindi makauwi mula sa mosque sa Barangay Dansalang sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) acting PNP director P/Chief Supt. Bienvenido Latag, nakipag-ugnayan na sa kanilang tanggapan si Commissioner Yusoph at iniulat ang pagkawala ng kaniyang anak na si Nuraldin Yusoph, 23.
Lumilitaw na bandang alas-7 ng gabi nang magpaalam si Nur Aldin na magsisimba sa mosque sa nabanggit na barangay subalit makalipas ang ilang oras ay nabigo na itong makabalik kung saan hindi rin ito sumasagot sa tawag sa kaniyang cell phone.
Gayon pa man, kasabay ng pagkawala ng anak, isang tawag sa telepono ang natanggap ni Commissioner Yusoph mula sa ‘di-pa kilalang lalaki na inuutusan itong ibasura ang naging resulta ng eleksyon sa mga bayan ng Masiu, Taraka, Pikong at Mabang na nasa Lanao del Sur.
Magugunita na pitong bayan ang nagsagawa ng special elections sa Lanao del Sur bunga ng mga kaguluhan na sinasabing resulta ng away-pulitika.
Kinumpirma naman ni Comelec spokesman James Jimenez na kinidnap ang anak ni Commissioner Yusoph.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung konektado ang pagkawala ng anak ng Comelec official sa mga tawag na tinanggap nito hinggil sa katatapos na halalan.