MANILA, Philippines - Umaabot sa P1.5 milyong cash ang natangay ng dalawang armadong lalaki matapos holdapin ang bangko sa Jaro District, Iloilo City kamakalawa.
Sa ulat ng pulis-Iloilo City na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-9:25 ng umaga nang pasukin at holdapin ang Rural Bank of Barotac Viejo Inc., sa Barangay. Tabuc Suba.
Walang namang nagawa ang mga kawani at guwardiya na tinutukan ng baril at iginapos upang hindi makapagresponde ang mga pulis.
Lumilitaw na pumasok ang mga suspek sa banko at tinutukan ng baril ang kahera na si Nonoy Cecille Tugbang at saka inutusan na buksan ang vault.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang panghoholdap bago nagsitakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Leganes, Iloilo lulan ng itim na motorsiklo.
Nagsagawa na ng follow-up investigation ang pulisya.