LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Nakatakdang parangalan ng Quezon Police Provincial Office ang dalawang bagitong pulis-Lucena na sinasabing tumanggi sa iniaalok na malaking halaga ng isang miyembro ng Budol-Budol Gang para makalaya matapos arestuhin at isinama sa kaniyang tatlong nauna nang naaresto, kamakalawa.
Ayon kay P/Supt. Pascual Munoz, hepe ng pulisya sa Lucena City, isang malaking accomplishment na maituturing ang ginawa nina PO1 Roland Roxas at PO1 Jirald Jinie Simeon at maglalagay muli sa mataas na paningin ng pulisya.
Nabatid na nilapitan ang dalawang pulis ng isang miyembro ng gang na si Rebecca dela Pena kaugnay sa pagkakaaresto sa tatlong suspek na sina Anielyn Roger, Lina Fajarda at Ruel de Castro.
Inalok ng suspek ang dalawang pulis na bibigyan ng tig-P10,000 kapalit ng kalayaan ng tatlong kasamahan niya sa gang subalit tumanggi ang mga pulis at sa halip ay dinakip si de la Pena at isinama sa selda ng tatlo.