BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawang tauhan ng pulisya ang iniulat na nasawi makaraang tambangan ng mga armadong grupo kamakalawa ng umaga sa bayan ng Gamu, Isabela.
Nakilala ang mga napatay na sina P/Inspector Jelowie Antonio at PO3 Jaime Manaligod, kapwa nakatalaga sa Intelligence Section ng Isabela PNP.
Ayon kay P/Chief Inspector Melchor Cantil, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Isabela, ang mga biktima kabilang ang dalawang nakaligtas ay nagsagawa ng surveillance mission at pabalik na sa kanilang opisina nang ratratin ng armadong grupo sa bisinidad ng Barangay Bartulan.
Agad na bumulagta ang dalawang pulis na lulan ng motorsiklo kung saan isa sa kanila ang nawasak pa ang bungo habang ang dalawang iba pang pulis na magkaangkas din sa motorsiklo ay nakaligtas at nakalayo.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 15-basyo ng bala mula sa M16 Armalite rifle at shotgun na ginamit sa pananambang.
Agad naman na kinilala ang dalawa sa mga suspek na sina Erong Aquino at Rony dela Cruz na sinasabing kapwa miyembro ng highway robbery at iba pang kaso ng pagnanakaw sa Cagayan Valley.
Sa kasalukuyan ay ikinasa ang malawakang dragnet operation laban sa mga suspek.