P27-milyong pondo sa pagpapaayos ng 3 ospital

ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines — Bilang bahagi ng pro­gramang pangkalusugan, tatlo sa anim na mga ospital ng lalawigan ng Rizal ang pinaayos at binigyan ng makabagong kagamitan.

Ayon sa ulat ng provincial engineer’s office, pi­nondo­han ng P15.4 milyon ang pagsasaayos at upgrade ng Rizal Provincial Hospital habang aabot na­man sa P1.9 milyon ang na­gastos sa Pililla Medicare Community Hospital.

Puspusan naman ang pagsasaayos ng Angono General Hospital upang sa lalong madaling panahon ay mapakinabangan kung saan naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng P 9.7 milyon pondo sa gastusin.

Sa kasalukuyan, bukas na ang ospital sa Pililla upang magbigay serbisyo-medikal, samantalang ang provincial hospital sa Mo­rong ay nagba­gong-anyo at unti-unting pinatataas ang antas upang maging tertiary hospital sa hinaharap.

Ayon naman sa provincial health office, kasama sa pag­sasaayos ng mga na­banggit na ospital ay ang pagbili ng mga karagdagan at mo­dernong mga kaga­mitan upang mas lalong mapa­ganda ang serbisyo sa taumbayan.

“Nais naming mas lalong mapagbuti ang serbisyo-medikal para sa lahat, kaya nga hindi tumitigil ang inyong pamahalaang panlalawigan sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng ating mga ospital,” pahayag ni Rizal Gob. Jun Ynares.

Show comments