MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 300 sundalo ang isinabak para tugusin ang mga rebeldeng New People’s Army na responsable sa madugong ambush na ikinasawi ng limang sundalo sa liblib na mga Barangay Bencalin at Barangay San Francisco sa bayan ng Presentacion, Camarines Sur kamakalawa.
Ayon kay 9th Infantry Division spokesman Major Harold Cabunoc, ipinag-utos ng kanilang commander na si Major Gen. Ruperto Pabustan ang malawakang opensiba laban sa mga rebelde na nagkukuta sa mga bayan ng Goa, Camaroan, Gachitorena at Ginapa bukod pa sa nabanggit na bayan.
Base sa tala, naganap ang ambus sa Brgy. San Francisco, kamakalawa kung saan nasawi sina 1st Lt. Miguel Logronio Jr. (PMA Class 2009); Corporal Arturo Hernandez, Pfc Albert Jamera, Pfc Edwin Britanico at Pfc. Alvin Aria na pawang tinamaan ng shrapnel mula sa landmine na itinanim ng NPA.
Sugatan naman sina Private First Class Jerry Magdasoc, Carlos Codires; Pfc. Ronnie Villaluna at Private Jose Quiapo habang nakaligtas naman matapos na gumapang sa damuhan si Pfc. Bernard Vergara.
Ang mga nasawi at sugatang sundalo ay sinasabing nagbabantay sa road project na nag-uugnay sa bayan ng Presentacion patungo sa bayan ng Caramoan.