BOCAUE, Bulacan , Philippines — Nabisto ang modus operandi ng dalawang hinihinalang pulis na nanghayjak ng sasakyan na may lulang iba’t ibang uri ng gamot na aabot sa milyong piso sa Brgy. Batia sa bayang ito kahapon ng umaga.
Sa salaysay nina Richard Dangcalan 29, drayber at Jayson Timbol, 23, pahinante ng Bulacan Logistics Inc., kay P/Supt.Ronald de Jesus, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga habang sakay sila ng Isuzu Canter aluminum closed van (CXF-980) galing ng Clark Special Economic Zone sa Pampanga.
Ide-deliver nila ang mga gamot sa bayan ng Guagua, Bacolor nang pagsapit sa isang lugar sa Megadike, Bacolor ay pinara sila ng dalawang naka-unipormeng pulis na nakasakay sa isang motorsiklo na walang plaka at dito ay pilit na hinihingi ang lisensya ni Dangcalan.
Tinutukan ng umano’y mga pulis ng baril ang mga biktima at saka pinalipat sa naghihintay na Honda CRV. Dito ay iginapos ang dalawa saka piniringan ang mga mata. Umabot pa ng ilang oras ang biyahe ng mga biktima kasama ang mga suspek hanggang sa itinapon sila sa isang lugar sa Meralco Village na nasa Brgy. Batia, Bocaue kung saan ay natagpuan sila ng mga pulisya.