CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Matinding selos ang isa sa motibo kaya pinagsasaksak at napatay ang isang 23-anyos na lalaki ng kanyang karibal sa panliligaw sa panibagong karahasang naganap kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Bulawan sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Sipocot District Hospital si Ernesto Guerina, drayber at residente ng Brgy. Bulawan Jr, Lupi, Camarines Sur.
Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Remar Bodoy, 20, ng Sitio Moqiur, Brgy. Managle.
Base sa police report, lumilitaw na namataan ng suspek na magkasamang sumasayaw sa plaza ang biktima at ang nililigawang dalaga.
Dito nagalit ang suspek na sinasabing lango sa alak kaya sinugod at sinaksak ang biktima kung saan hindi pa nakuntento ay pinalo pa ng kahoy sa ulo.