MANILA, Philippines - Dahil sa masamang biro na hihiwalayan na ng kaniyang misis, dalawang anak na bata ang iniulat na nasawi makaraang painumin ng lason ng daga ng kanilang ama bago ito nagtangkang mag-suicide sa Estancia, Iloilo noong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang magkapatid na sina Christine Duran, 2 at Christian Duran, 1, habang agaw-buhay naman sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City ang ama na si Bobby Duran.
Naganap ang insidente sa kubo ng pamilya Duran sa Sitio Alimango, Brgy. Lumbia kung saan sinabi sa mag-utol ng biyenan ng suspek na iiwan na sila ng kanilang nanay na kasalukuyang nasa Maynila.
Dinamdam ni Bobby ang nasagap na ulat matapos na iparating sa kanya ng madaldal na anak na si Christine ang sinabi ng kanyang biyenan kung saan ayon sa kanilang mga kapitbahay ay ilang araw nang tulala ang mister na sinasabing sineryoso ang balita.
Nadiskubre lamang ang krimen matapos na sumilip sa bintana ng kanilang tahanan ang kapitbahay ng pamilya Duran kung saan namataang namimilipit sa matinding sakit ng tiyan at nagsusuka si Bobby.
Gayon pa man, nabigong maagaw kay kamatayan ang mag-utol dahil kumalat na sa murang katawan ang lason sa daga na ipinainom ng sariling ama.
Nabatid na matapos makitang nagkikisay na ang mag-utol ay tinungga rin ng tatay ang natitira pang lason sa daga na hinalo sa tubig.
Napag-alaman sa imbestigasyon, na isa lamang palang masamang biro ang natanggap na balita ng suspek na iiwan na silang mag-aama ng kanyang asawa.