BATANGAS , Philippines — Napatunayan ng mga artistang kumandidato sa eleksyon na hindi lang sila pang pelikula, pang public service pa matapos manalo ang mga ito sa iba’t ibang puwesto.
Sa Batangas, nanalong muli sa pangalawang termino si Governor Vilma Santos-Recto laban sa biyuda ng yumaong ex-governor Armand Sanchez na si Edna Sanchez.
Nanalo rin ang screen partner ni Gov. Vi na si Christopher “Boyet” De Leon bilang board member ng 2nd district ng Batangas. Lumaban noon si Boyet sa pagka- bise gubernador noong 2007 eleksyon pero natalo kay Mark Leviste.
Sa Laguna, iprinoklama na si Laguna Governor-elect Jeorge “ER” Ejercito Estregan na anak ni George Estregan at pamangkin ni ex-President Joseph Estrada.
Natalo ni ER ang mabibigat na katunggali na sina ex-Laguna Governor at DILG Secretary Joey Lina, Dennis Lazaro, anak ni incumbent Laguna Governor Teresita “Ning-ning” Lazaro at incumbent Vice Governor Ramil Hernandez.
Pinalitan naman ni Maita Ejercito ang asawang si ER bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna.
Panalo rin si Dan Fernandez sa 1st congressional district ng Laguna at sexy-singer-actress Angelica Jones-Alarva bilang board member sa 3rd district of Laguna.
Samantala sa Quezon, panalo rin ang pamangkin ni Erap na si Gary Estrada sa pagka-bokal ng 2nd district ng Quezon province.
Sa Cavite, panalo ang mag-asawang Ramon “Bong’ Revilla at Lani Mercado-Revilla sa pagka-senador at congresswoman ng Bacoor.