MANILA, Philippines - Isa na naming Board of Election Inspector na nagsilbi sa katatapos na halalan noong Lunes ang iniulat na napaslang makaraang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa Cotabato City kahapon ng umaga.
Tatlong bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Abdulrahman Mero, principal ng pampublikong paaralan sa Bongo Island na nasasakupan ng Parang, Maguindanao.
Sa report ni P/Senior Supt. Willie Dangane, lumilitaw na papauwi na ang biktima lulan ng kulay puting Volkswagen kasama ang misis nito at dalawang anak nang harangin at ratratin ng motorcycle-riding gunmen.
Isinugod pa si Mero sa Cotabato Regional and Medical Center subalit idineklarang patay.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa pagiging Board of Election Inspector ng biktima ang motibo ng krimen.