KIDAPAWAN CITY, Philippines - Isang pari (imam) ang iniulat na nasawi habang siyam iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang granda na inihagis sa loob ng mosque kamakalawa ng gabi sa Barangay Batuwalan sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Idineklarang patay sa Cotabato Regional and Medical Center si Manuel Pautin habang ang mga sugatan na naisugod sa Cruzado Hospital sa bayan ng Pikit at Kabacan Medical Specialist Hospital sa bayan ng Kabacan ay sina Abdullah Mohamad Ali, Ansari Edris, Solalma Calim, Ibrahim Badrudin, Kison Palalisan, Datukan Acmad, Sindatok Sangkay, Johnny Oboy Matalam, at si Norudin Hamas.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagdarasal ang mga biktima nang umalingawngaw ang malakas na pagsabog kung saan tumilapon ang mga biktima. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.