Gubernatorial bet ng LP suportado ng INC

GENERAL TRIAS, Cavite, Philippines — Nakalalamang ang panalo ni Vice Governor Dencito “Osboy” Campaña na pam­bato ng Liberal Party bilang gubernatorial candidate sa Cavite sa May 10 eleksyon ma­tapos lumabas ang resulta ng survey kung saan pina­kamalaking porsyento ang nakuha kumpara sa kanyang kalaban na si ex-Vice Governor Bise Jonvic Remulla ng Partido Mag­dalo.

Inilabas din ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang pinal na desisyon pabor kay Campaña na nakadagdag pa sa bilang na siguradong boto.

Isinagawa ng Storm Pol­tek Consultants ang survey mula Abril16 hanggang 20 kung saan 4,000 Kabi­tenyo ang tinanong kung sino ang kanilang iboboto sa pagka-gobernador.

Lumilitaw na 44.84% ang pumili kay Campaña sa­mantalang 35.92% ang pu­manig kay Remulla.

Sa grand rally na ginanap sa bayan ng Gen. Trias, nag­pasalamat si Campaña sa pamunuan ng INC at sa kan­yang mga tagasuporta sa tulong na kanilang ibinibigay simula pa ng kampanya.

Nangako siyang hindi bi­biguin ang mga ito sa pa­ma­magitan ng pagpapatuloy ng legasiyang iiwan ng kan­yang nangungunang tagasu­porta at tagapayo sa pulitiko na si Governor Ayong Maliksi.

Samantala, nakatitiyak din ng solidong boto sa Cavite ang pambato ng Liberal Par­ty sa pagka-Pangulo na si Senador Noynoy Aquino. Sa parehong survey, nagtala ng malaking lamang sa boto si Aquino na nakakuha ng 45.63%.

Pumangalawa si Erap na may 23.89%. Si Sen. Manny Villar ng Nacio­nalista Party ay pumangatlo lamang sa 13.34% habang sina Gibo, Bro. Eddie at Gordon ay nakakuha ng 8.76%, 3.86% at 2.3% sa survey. 

Show comments