BATAAN, Philippines — Hindi nakaligtas kay kamatayan ang limang treasure hunter na naghuhukay sa sinasabing mga bara ng ginto na ibinaon ng mga sundalong Hapones noong World War II matapos ma-suffocate sa nakalalasong usok ng water pump sa may 60 metrong lalim na balon sa Sitio Arrienda, Barangay Alangan sa bayan ng Limay Bataan kamakalawa.
Idineklarang patay sa Limay Community Health Center sina Richard Del Pilar, 30, ng Pto. Rivas, Balanga City, Vener Bermillo, 25, ng Barangay Tundol Highway; Angelito Mariano Sr., 42; anak nitong si Angelito Mariano Jr., 22, kapwa nakatira sa Tundol Highway; at si Luisito Caparaz, 48, ng Sto. Niño, Barangay Cupang Proper, Balanga City, Bataan.
Nakaligtas naman si Pedro Mariano na malapit lamang sa lagusang palabas ng balon.
Lumilitaw sa ulat ni PO1 Reden Escudero, lumilitaw na dalawang buwan nang hinuhukay ng mga biktima ang balon sa pag-aakalang may nakabaong mga bara ng ginto.
Nabatid na hindi nakayanan ng mga biktima ang mabahong amoy ng usok na nagmula sa water pump sa may 60 talampakang hukay kaya na-suffocate at nasawi ang mga ito.
Naiahon naman ang mga bangkay ng lima sa tulong na rin ng mga volunteers sa lugar hanggang alas-8:30 ng gabi. Dagdag ulat ni Joy Cantos