CAMP OLIVAS, Pampanga , Philippines — Tatlong dayuhang piloto ang iniulat na nasawi, habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang bumagsak ang eroplano sa bahagi ng Brgy. Laput sa bayan ng Mexico, Pampanga noong Miyerkules ng gabi.
Base sa ulat na tinanggap ni Central Luzon Police director P/Chief Supt. Arturo Cacdac Jr., kabilang sa mga namatay ay sina Mikolay Bannon, Vadim Yakimov, kapwa Ruso at ang Bulgarian na si Tzvitoslav Guetchevski na pawang mga flight crew engineer.
Ang mga bangkay ng mga biktima ay natagpuan sa paligid ng Mexico Cockpit Arena. Nasa malubhang kalagayan pa rin sa Macabebe Hospital sa San Fernando City sina Yuriy Tochonyy, 50, Ruso; Dimitriy Struminskiy, 39, Uzbekistan, kapwa piloto; at Bokhadir Ruziev, 44, Uzbekistan, plane engineer.
Nabatid na ang mga biktima ay lulan ng Russian-made cargo plane na may numerong UP-AN 216, na pag-aari ng Inter Island Cargo United Percel Services Express Cargo na nakabase sa Manila.
Ayon sa ulat, nagmula ang eroplano sa Mactan aiport sa Cebu at patungong sanang Clark International Airport sa Pampanga nang makaranas ito ng faulty electrical system.
Ilang sandali pa ay namataang umuusok na ang eroplano kasunod ang pag-ikot nito patungong bukiran kung saan ay tuluyan na itong bumagsak at sumabog ganap na alas-9:10 ng gabi. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.