MANILA, Philippines - Malagim na kamatayan ang sinapit ng limang obrero habang anim iba pa ang malubhang nasugatan makaraang gumuho ang pader ng gusali ng mall sa Barangay Tisa, Cebu City, Cebu kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Lyndon Melendrez, Arjel Ceniza, Teodulfo Detumal at ang magkapatid na Christian at Donnie Dilan.
Patuloy namang ginagamot sa Cebu City Medical Center ang mga sugatang sina Roel Pasaje, 26; Arnel Pacible, 23; Joey Manceras, 36; Ricardo Villegas, 27; Noel Lucero, 23; at si Jerome Sios-e, 19.
Ang mga biktimang manggagawa ng CYC Construction, ay gumagawa sa gusali ng Gaisano Capital sa F. Llamas St., Brgy. Tisa kung saan gumuho ang itinatayong pader sa ikatlong palapag ng shopping mall.
Kasalukuyang namamahinga ang mga biktima para kumain nang gumuho ang tinatapos na konstruksiyon ng gusali ng mall.
Sa pahayag ng mga kasamahang obrero na kasalukuyan silang abala sa pagtatrabaho sa ground floor nang makarinig ng malakas na ugong at kasunod nito ay ang pagguho ng pader kasama ang kanilang mga biktima na nahulog mula sa ikatlong palapag.
Kaugnay nito, pansamantalang ipinatigil ng mga opisyal ng local na pamahaan ng Cebu City ang kontruksyon ng gusali habang patuloy ang imbestigasyon.