BULACAN, Philippines – Dalawang tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dinakma ng pulisya makaraang lumabag sa Comelec gun ban sa Barangay San Marcos sa bayan ng Calumpit, Bulacan kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan ni P/Senior Supt. Fernando Villanueva sina Reggie Pinto, 33, ng Balanga City, Bataan; at Jean Atibagos, 32, ng San Isidro, Rodriguez, Rizal, kapwa nakabase sa PDEA Region 3 sa Camp Olivas, Pampanga. Base sa police report, ang dalawa na lulan ng motorsiklo na walang plaka ay nasabat sa Comelec checkpoint sa kahabaan ng MacArthur Highway. Wala namang maipakitang dokumento ng motorsiklo ang dalawa kung saan nakumpiskahan ng isang baril at mga bala. Boy Cruz