RIZAL, Philippines — Pinayuhan ni Ramon Getsko Guico, pangulo ng League of Municipalities of the Philippines ang tatlong milyong mga walang trabahong Pinoy na maging mapanuri sa pagpili ng kandidato sa Mayo 10 elections.
Sinabi ni Guico na dapat isaalang-alang ng mga jobless at underemployed na Pilipino ang kanilang kinabukasan sa darating na eleksyon sa pamamagitan ng paghalal sa mga kandidatong may konkretong plano kung paano patatakbuhin ang bansa. Aniya, ang dapat piliin ng mga ito ay ang kandidatong may maayos na platapormang pang-ekonomiya kung saan nangangahulugan ang pagdami ng trabaho sa mga Pilipino. Batay sa rekord ng National Statistics Office, umaabot na sa 2.8 milyon ang walang trabaho samantalang aabot naman sa 7.1 milyon ang underemployed. Hinamon din ni Guico ang mga ito na bumuo ng voting bloc para sa eleksyon upang mapalitan ang mga kandidatong pangako pero napako at siguraduhin na sila ay mabibigyan ng prayoridad kapag nanalo.