MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng revolutionary tax ang mag-ama kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Bag-ogtan sa bayan ng Matuguinao, Samar kamakalawa.
Kapwa duguang bumulagta ang mag-amang sina Doming de la Cruz, 50; at Junie de la Cruz, 22 habang sugatan naman si Mylene, 20, kung saan nakaligtas ang asawa at anak nitong sina Juvic, 24; at Joshua, 2.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-6 ng umaga nang salakayin ng mga rebelde ang farmhouse ng pamilya de la Cruz at isinagawa ang pamamaslang.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nairita ang mga rebelde sa pagtanggi ng matandang de la Cruz na magbayad ng revolutionary tax.
Bukod dito, naghihinala rin ang NPA na ang mag-aama ay asset ng militar na nagbibigay ng impormasyon laban sa illegal na aktibidades ng mga rebelde.
Base sa tala ng militar, naunang sinalakay ng mga rebelde ang nabanggit na farmhouse noong 2007 kaugnay sa hinihinging buwis.