BATANGAS, Philippines — Malamig na rehas ang binagsakan ng dalawang sibilyan matapos maaktuhang may bitbit na mga kemikal sa paggawa ng shabu (methampetamine hydrocloride) sa inilatag na Comelec checkpoint sa Barangay Balagtas, Batangas City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Manuel Abu, hepe ng Batangas City PNP, ang mga suspek na sina Alnajier Musa, 27 at Julie Kissae, 37, kapwa tubong Jolo, Sulu at residente ng Botolan, Zambales.
Ayon sa report, sinita sa comelec checkpoint ng mga tauhan ni P/Chief Inspector Cesar Geron ang Hyundai Starex Van (WSU-678) ng mga suspek bandang alas-3 ng hapon. Habang kinakausap ng mga pulis ang drayber, may naamoy silang masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng van hanggang sa mamataan ang mga container ng chemical na sinasabing walang kaukulang dokumento.
Narekober sa van ang brown envelope na pinaniniwalaang may shabu, 10-plastic containers na may acetone at 140- bote ng thionyl chloride. Arnell Ozaeta