MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Bombay ang nasagip mula sa kanyang mga kidnapper makaraang salakayin ng pulisya ang kuta ng mga suspek sa Barangay Concepcion, San Pablo City sa Laguna kamakalawa.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office Director Senior Superintendent Manolito Labador ang biktima na si Remmie Kumar Chonkria alyas Romie, 33 anyos, residente ng Barangay Yukos, Nagcarlan, Laguna.
Sinabi ni Labador na nakaposas pa si Chonkria nang masagip matapos lusubin ng mga elemento ng San Pablo City Police ang pinagtataguan rito ng mga kidnapper sa Azores Farm, Concepcion.
Gayunman, wala ni isa man sa apat na mga kidnapper ang naaresto na mabilis na nakapuslit matapos na matunugan ang paparating na mga alagad ng batas at abandonahin ang naturang Bombay.
Ang biktima ay dinukot ng mga kidnapper habang lulan ng kaniyang motorsiklo at naniningil sa pautang nitong 5-6 sa Barangay Concepcion noong Marso 10.
Nabatid na P20 milyong ransom ang hinihingi ng mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng biktima.
Nakuha sa lugar ang isang pitakang pag-aari ng isa sa mga suspek na si Haron Borbe ng Calauag, Quezon; isang unit ng cell phone model Nokia 3318 at iba pa.