BATAAN, Philippines — Pito katao kabilang na ang dalawang Koreano ang iniulat na namatay habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok ang van sa pampasaherong aircon bus sa kahabaan ng Roman Highway sa Barangay Duale, sa bayan ng Limay, Bataan kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi na pawang kawani ng D 1 Dawn Patrol Manufacturing Corp. sa Bataan Economic Zone ay sina Warren Shin, SK Joe, kapwa Koreano at production manager; Daisy Hermoso, 29; Mary Rose Hermoso, 21, kapwa nakatira sa Binukawan, Bagac; Eimee Balingit, Armie Dioniso, mga residente sa Barangay Maligay, Mariveles, at si Michelle Dulatre.
Samantala nasa kritikal na kalagayan sa St. Joseph Hospital si Marivel Margia, 21, ng Balon Anito, Mariveles habang sugatan naman si Jonathan Bagtas, 29, ng Barangay Townsit Limay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na tinatahak ng van na may plakang ZMR-969 ang kahabaan ng highway patungo sa Balanga City mula sa bayan ng Mariveles nang makasalubong ang Genesis aircon bus (TVV 308) na minamaneho ni Leonardo Callejo, 42, ng Brgy. Balon Anito, Mariveles.
Napag-alamang nag-overtake ang van ni Shin sa motorsiklo ni Romeo Artuz nang makasalubong si kamatayan. Maging ang mga bahay nina Edgardo Padolina at Cresencio Balderama na nasa gilid ng highway ay inararo ng sasakyan.