MANILA, Philippines - Nagwakas ang modus operandi ng apat na sibilyan na sinasabing may dalang 100 kilong pinatuyong dahon ng marijuana matapos maaresto ng pulisya sa inilatag na Comelec checkpoint noong Biyernes sa kahabaan ng highway sa bayan ng San Gabriel, La Union.
Ang apat na lulan ng van ay nakilalang sina Bony Santos, 34; Francis Mogati, 22, kapwa nakatira sa La Trinidad, Benguet; Lindel Camilo, 23; at si Molitas Mariacos, 19; kapwa nakatira sa Barangay Lon-oy, San Gabriel, La Union.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alauna y medya ng madaling-araw nang maharang sa checkpoint ang kulay abuhing van ng mga suspek.
Napansin ng mga tauhan ni P/Senior Eduardo Sarmiento na nininerbyos ang mga suspek kaya minabuting inspeksyunin ang bawat sulok ng compartment ng van na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga marijuana bricks na nagkakahalaga ng P2.525 milyon. Joy Cantos