Utol ng konsehal nilikida ng NPA

MALOLOS CITY, Bula­can, Philippines  Niratrat at napatay ang utol ng konsehal sa San Jose Del Monte City sa panibagong paghahasik ng lagim ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay San Mateo, Nor­zagaray, Bulacan noong Martes ng umaga.

Apat na tama ng bala ng M16 Armalite rifle ang tu­mapos sa buhay ni Genaro Aguirre, 60, ng Sitio Tiakad sa nabanggit na barangay.

Nabatid na si Genaro ay utol nina ex-Councilor Ignacio Aguirre at Councilor Bartolome Aguirre na tumatayong pangulo ng mga kapitan ng barangay sa San Jose Del Monte City.

Ilan sa mga nakasaksi ang pahayag na aabot sa 15 armadong kalalakihan ang kumaladkad sa biktima palabas ng bahay pagka­tapos ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.

Sinasabing inako na­man ng mga rebelde ang paglikida sa biktima kung saan lumabas sa kanilang website ilang oras matapos ang pamamaslang.

Ayon sa NPA website, pinatay nila ang biktima dahil sa mga kasalanan nito sa bayan tulad ng pag­patay, panggagahasa at pang-aagaw ng lupa. 

Show comments