Hepe ng assessor's office itinumba

MANILA, Philippines - Napaslang ang hepe ng assessor’s office na sina­sabing asawa ng ex-vice mayor habang suga­tan naman ang driver nito sa naganap na pananam­bang sa panulukan ng Sinsuat Avenue at Rosales Street sa Cotabato City kahapon ng tanghali.

Limang bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Engineer Enrique “Ricky” Barroga na mister ni ex-Cotabato City Vice Mayor Cecilia Camello-Barroga na nagmamay-ari ng St. Benedict School sa Cota­bato City.

Isinugod naman sa os­pital ang sugatang drayber na si Joseph Deliciano ha­bang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang assistant city assessor na si Re­megio Daga.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Willie Dangane, na naka­rating sa Camp Crame, lumilitaw na lulan ng kulay pulang kotse (LDA 866) ang biktima nang hara­ngin at ratratin ng motorcycle-riding gunmen.

Isinugod ng mga concerned citizen ang biktima sa Notre Dame Hospital subalit idineklarang patay.

Pinaniniwalaang may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pamamaslang dahil hindi naman kandi­dato sa May 10 elections ang misis nito.

Show comments