LEGAZPI CITY, Philippines— Pinaniniwalaang ipagbabawal na ang magsusuot ng t-shirt na may markang “stop media killing” makaraang sitahin ng ilang sundalo ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army ang isang brodkaster na may suot ng nasabing t-shirt na dumaan sa inilatag ng Comelec checkpoint sa Barangay Kimantong sa bayan ng Daraga, Albay.
Napag-alamang lulan ng motorsiklo ang isang brodkaster na nagpatago sa pangalang Joel nang harangin at sitahin ng ilang nagbabantay sa checkpoint noong Sabado ng hapon dahil sa pagsusuot ng nasabing t-shirt.
Sinabi ng ilang sundalo sa brodkaster na bawal ang magsuot ng nasabing t-shirt dahil mga rebeldeng New People’s Army lamang ang nagsusuot nito.
“Boss alam mo ba na ang nagsosuot ng t-shirt na may markang stop media killing ay NPA,” pahayag ng isang sundalo ng 22nd Infanfry Battalion ng Phil. Army
Sa pahayag naman ng ilang mamamahayag sa Kabikulan na ang mga sundalo ay hindi tinutu ruan ng magandang asal ng kanilang nakakataas na opisyal.
Umangal naman ang mediamen sa naganap na insidente kung saan halos lahat ng mga mamamahayag sa Legazpi City ay may t-shirt na “stop media killing”, bilang pagsuporta sa Maguindanao massacre.
Samantala, tinangkang kapanayamin ang taga-pagsalita ng 9th Infantry Division na si Major Harol Cabunoc kaugnay sa nabanggit na isyu subalit wala ito sa kanyang tanggapan. Ed Casulla