BATANGAS, Philippines – Dalawang sibilyan ang kumpirmadong namatay kabilang na ang 5-anyos na babae samantalang sampung iba pa ang sugatan makaraang tumaob ang van sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway na sakop ng Barangay Pusil sa Lipa City, Batangas kahapon ng tanghali.
Kinilala ni Carlito America, security officer ng Star Tollway ang mga nasawi na sina Bernardo “Nanding” Lopez, 49, ng Brgy. Bubog, San Jose, Occidental Mindoro at Liechiel Padilla, 5, ng Brgy San Roque, San Jose, Occidental Mindoro.
Naisugod naman sa Mary Mediatrix Hospital ang mga sugatang sina Polito Ponla, driver ng van; Racquel Padilla, 40; Joeli Padilla, 42; Alexander Paz, 14; Mimi Lopez, 48; Jay-Vee Lopez, 15; Raychel Paz, Linda, 30; Michelle May, 11; Mylene, 5; pawang may apelyidong Ponla at si Lydia Jacinto na pawang nakatira sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa report, binabagtas ng mga biktimang lulan ng Hyundai van (ULF 606) ang northbound lane ng Star Tollway patungong Maynila mula sa Batangas nang sumabog ang hulihang gulong nito kaya tumaob ng ilang beses pagsapit sa may KM 77 bandang ala-1:27 ng hapon.