KIDAPAWAN CITY, Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa walong sundalo kabilang ang isang heneral at isang sibilyan makaraang bumagsak ang eroplano ng Philippine Air Force sa residential area sa Cotabato City, kahapon ng tanghali.
Kinumpirma ni Major Gen. Anthony Alcantara, commander ng Army’s 6th Infantry Division na walang nakaligtas sa nasabing trahedya.
Lumilitaw na nagmula sa Davao City ang eroplano at nag-stopover sa paliparan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao para ibaba si Col. Cris Tumanda ng Tactical Operations Group ng PAF sa Central Mindanao.
Gayon pa man, bandang alas-11:35 ng umaga nang mag-take off at dalawang minuto pa lamang sa ere ay nagawa pang makaradyo ng piloto at sinabing nagka-problema sa makina na kailangan itong mag-emergency landing.
Subalit bumagsak na ang eroplano sa bahagi ng Virgo Subdivision sa Rosary Heights 9, Cotabato City kung saan nasunog ang bahay nina Gapor Camlian, Shiela Gomiton at Rogelio Daet.
Sugatan naman ang dalawa-katao kabilang ang isang bombero na naunang rumesponde sa insidente.
Ilang residente ang nawalan ng ulirat at nabingi matapos umalingawngaw ang nakatutulig na pagsabog.
Kabilang sa nasawi na halos masunog ang buong katawan ay si Major Gen. Butch Lacson, hepe ng 3rd Air Division ng PAF na nakabase sa Zamboanga City.
Ang iba pa na nakilala lamang sa mga apelyidong sina Major Tacuboy, pilotong sina Captain Ordoneo, co -pilot 1st Lt. Valdez, 1st Lt. Lepaet, Sgt. Lamera, Sgt. Mejia at Sgt. Gosum.
Samantala, kinumpirma ni P/Chief Supt. Felicisimo Khu, director for Administration ng Police Regional Office (PRO)12 na narekober ang bangkay ng sibilyang si Inday Mondrano, 60,
Si Mondrano ay bisita ng isa sa tatlong bahay na nasira matapos mabagsakan ng elisi ng eroplano.
Ang abuhing Nomad aircraft ay pabalik na sana sa Edwin Andrews Air Base sa Zamboanga City nang maganap ang trahedya.
Agad namang nagtungo sa crash site, ang mga tauhan ng pulisya upang tumulong sa ilang sundalo ng Philippine Army sa pagkokordon sa lugar.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano.