7 sundalo sugatan sa landmine

KIDAPAWAN CITY, Philippines — Pitong sundalo ng 57th Infantry Battalion ng Phil. Army ang iniulat na nasu­gatan makaraang suma­bog ang landmine na itina­nim ng mga rebeldeng New People’s Army sa kaha­baan ng highway sa Sitio Dansig, Barangay Old Bu­latucan sa bayan ng Ma­kilala, North Cotabato ka­makalawa ng gabi.

Kabilang sa mga tina­maan ng shrapnel ng bom­ba ay sina Cpl. Geruel Hipe, Private First Class ser­vicemen na sina Le­vie Tactaquin Paranal, Jo­sel Miravilles, Jester Pancho, Ramon Piala, Jr., Ariel Tam­bagan, at si John Eduard Tangub.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Nor­berto Batislaong, North Cotabato police director, lulan ng military truck ang mga biktima pabalik sa kampo ng 62nd Division Reconnaissance Company mula sa paglalaro ng basketball sa Mt. Apo Alliance Bible College sa nabanggit na barangay nang suma­bog ang mina sa kalsada.

Naisugod naman ang mga sugatang sundalo sa Medical Specialist Hospital sa bayan ng Makilala. 

Narekober sa blast site ang electric wire na may habang 200 metro at mga basag na matitigas na bagay kung saan lumikha ng 2.5 metro lawak at 1.5 metrong lalim.

Pinaniniwalaang grupo ni Kumander Inoy ng NPA Front Guerilla 52 ang nasa likod ng pagpapasabog. Malu Manar

Show comments